I created this spoken poetry for this song. MAN:
Akala ko ba walang iwanan?
Aking puso ay naghahanap ng kasagutan,
Narito na naman ako sa pagitan ng takot at pag-aalinlangan.
Nasaan ka?
Puso ko’y nagdududa.
Nariyan ka pa ba?
Mayroon pa bang pag-asa?
Nasaan ka noong dumating ang trahedya at sakuna?
Nasaan ka nung kabuhayan ko ay nawala?
Nasaan ka nang magpa-alam ang aking ama?
Naririnig mo pa ba ang aking mga pagsamo?
O ang tunog ng pagbasag ng aking puso?
Nakikita mo ba ang aking mga luha na tumutulo?
Ang bawat hakbang ko ay kapos,
Ako ay naghihikahos.
Tila walang hanggangan
ang kadiliman na bumabalot sa aking kapaligiran.
Ilang luha pa ba aking bubunuin
Ilang pagsamo pa ang aking sasambitin,
Di na ko sigurado kung ikaw ba'y nakatingin
Saking buhay na di ko alam ang sasapitin.
May nagawa ba akong mali?
ako ba ay madumi?
Hindi na karapat-dapat na humarap sa Iyong presensya?
Kaya ba ako’y Iyong iniwan na?
Bakit ang tahimik Mo?
Kausapin Mo ako.
Narito ko't nagsusumamo
Hawak-hawak ang mga pangako mo,
Nariyan ka ba talaga?
O Ako nalamang ang nandito.
GOD:
Ang Aking tipan ay higit pa sa salita,
Patuloy na umiikot ang mundo
Sapagkat hawak ko ang haligi nito
At ang mga bituin na Aking hinahawakan
Upang sila ay manatili sa kanilang kinaroroonan.
Tignan mo ang buwan, sa gitna ng kadiliman
Ako ang nagbibigay dito ng tanglaw
Ako rin ang nagpapalubog at nagpapasikat ng araw
Ang Aking tipan ay higit pa sa salita,
Ang may akda ng tadhana
ay bumaba sa lupa
At sa gitna ng isang bayan
Kung saan ang mga tao ay nagsisigawan
(Tao: “Ipako! Ipako!”)
Napuno ng dugo ang aking katawan.
Isang koronang tinik ang isinabit sa aking ulong nasasaktan.
Ang Aking tipan ay higit pa sa salita,
Isa pang hampas,
Pira-piraso ang laman sa Aking likuran ay nalalagas
Ang dugo ko ay tumatagas
Tanda ng pag-ibig Kong wagas
Ako’y unti-unting nadarapa
Nabibingi ang Aking tainga
Sa tukso ng mga madla dumaragsa.
Lahat ay ininda
Sapagkat ikaw ang nasa Aking isipan
habang pasan Ko sa Aking likuran
Isang krus na kasing bigat ng sanlibutan.
Ang Aking tipan ay higit pa sa salita,
Isa, dalawa, tatlo
Unti-unting bumaon ang mga pako
Kalakip nito ang isang pangako
“tapos na”
Iyan ang binitawan Kong salita
Sa Aking huling hininga.
Isa, dalawa, tatlo
Pagkalipas ng tatlong araw
Umikot ang bato,
Ako’y muling bumangon mula sa Aking libingan.
Wala nang bisa ang kamatayan.
Ang Aking tipan ay higit pa sa salita,
Ako’y bumalik sa trono ng langit
Doon araw-araw kitang dinadalangin
At sa aking paglisan, sayo’y iniwanan
Ang banal na Espiritu na iyong laging maasahan
Aking Katipan, Ako ay babalik,
Sa pagkakataong ito ang bawat luha at nakaraan
Ay papawiin ng aking pagmamahal
Muli tayong magsasama,
Magpakailanman.
DIALOGUE
MAN:
Ang Iyong tipan ay higit pa sa salita,
GOD:
Ako ang iyong kahapon, bukas, at ngayon,
Ako ang nagbibigay saysay sa mga lumipas na panahon,
MAN:
Sinasamahan ako sa lahat ng aking nakaraan.
Palatandaan ng Iyong katapatan.
GOD:
Ako ang kasama mo mula sa pagdilat ng iyong mata
Hanggang sa mga gabing ikaw ay lumuluha
MAN:
Hindi ako iniwang nag-iisa
Palagi kitang kasama.
GOD:
Bubuhatin kita maging sa gitna ng trahedya.
Maging sa iyong mga bukas,
Sasamahan kita.
Hanggang ang mundo ay mag-wakas.
Hanggang sa malagot ang lahat ng hininga
at ang mga salita ay di na mag tugma-tugma
BOTH:
higit pa sa kamatayan ang ating tipanan.
Walang hangganan,
walang kadiliman,
walang kasalanan,
walang kapalpakan,
walang karamdaman,
walang nakaraan,
walang kasalukuyan,
walang hinaharap ang maghihiwalay sa ating dalawa,
Ang ating tipan ay higit pa sa salita.
Comments